85948200

Bisaya Bloggers » NCR-Command

May 22 2007

Tropa Babalik Muli Sa Metro; Unibersidad Ang Susunod Na Target!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 22 May) – Nagpahiwatig ngayon ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng posibilidad na maibalik ang mga sundalong una nang ipinakalat sa Kalakhang Maynila.Tinukoy ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr., ang mga proyekto sa mga barangay tulad ng light engineering projects na mahalagang matapos dahil nabitin ito sa pagdaan ng May 14 elections.Malaking bagay rin aniya ang pagkilos ng mga sundalo laban sa maaaring pag-atake ng ng mga nalalabing miyembro ng terrorist sleeper cell sa Metro Manila bukod pa sa pagpupumilit na makapasok ng New People’s Army (NPA) sa mga mahihirap na barangay at unibersidad.Gayunman, sinabi ni Esperon na kailangan pa ring magsagawa ng pag-aaral o ebalwasyon sa naunang operasyon ng AFP National Capital Region Command sa komunidad.Kasabay nito, mahigpit ring tutukan ng militar ang seguridad sa mga kolehiyo at unibersidad sa harap ng sinasabing pang-iimpluwensya ng mga rebelde sa student councils at organizations.Ayaw pang tukuyin ni Esperon ang mga paaralang pinaghihinalaang napasok ng mga rebeldeng ideyolohiya ngunit nakikipag-ugnayan na rin ito sa mga school official para sa kaukulang seguridad.Hindi na rin naman aniya kakailanganin ang deployment ng sundalo sa mga unibersidad dahil pakikilusin na rin ang mga reserved officer training corps (ROTC).

Ipinunto ni Esperon na bagamat hindi nakakaalarma ang infiltration ng mga komunista sa mga paaralan, kailangan pa ring alertado ang mga awtoridad. (Juley Reyes)

May 09 2007

Sundalo Sa Metro, Back To Barracks Muli!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 09 May) — Sa wakas, ipinag-utos na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. ang pansamantalang pag-alis ng tropa ng mga sundalo sa kalakhang Maynila.Ayon sa direktiba ni Esperon kay AFP National Capital Region Command Chief Major General Mohammad Ben Dolorfino, epektibo ngayon hanggang Biyernes ay unti-unting lilisanin ng militar ang Metro Manila at iiwan ang ilang mga proyektong sinimulan ng mga ito sa ilang komunidad.»I am directing Major General Dolorfino to start pulling out troops from depressed communities in Metro Manila starting today and to complete the pullout on or before May 11,» ani Esperon sa pahayagang Mindanao Examiner.Katwiran ni Esperon, layunin ng pull out na maidistansya ang militar sa pulitika at hindi makulayan sa harap ng naging pagkaladkad sa institusyon sa umano’y dayaan noong May 2004 elections nang pumutok ang Hello Garci wiretapping controversy.»This pull out is not due to the claims of left leaning groups that we are engaged in electioneering and that we practice partisan politics. The departure of troops from the barangays will allow the soldiers to exercise their right of suffrage,» wika pa ni Esperon.»This will erase the misconception that the troops are there to influence the outcome of the election,» dagdag nito.Tinatayang 260 mga sundalo sa ilang barangay sa Metro Manila ang kasalukuyang naka-kalat at gumagawa ng ilang engineering projects tulad ng mga day care center, palikuran at kalsada.Samantala, walang katiyakan kung maibabalik sa Metro Manila ang troop deployment dahil isasailalim sa kaukulang pag-aaral at ebalwasyon ang naturang programa ng AFP NCR Command.»Probably, 50-50% of chances. May mga naipangako na rin kasing proyekto na gagawin pagkatapos ng eleksyon pero depende na rin sa AFP Chief kung papayagan ang pagbabalik ng mga sundalo sa Metro Manila,» sabi ni Dolorfino.Habang eleksyon, mananatili ang mga sundalo sa kanilang headquarters at maaaring ma-deploy kung hihingin ng Commission on Elections at Philippine National Police.

«The lull period will also be devoted for refresher training to further improve individual and unit efficiency particularly in the aspect of Civil Military Operations,» dagdag pa ni Dolorfino. (Juley Reyes)

Mar 07 2007

AFP, HINDI PAAWAT SA METRO DEPLOYMENT

MANILA (Mindanao Examiner / 08 Mar) – Walang balak ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na agarang sundin ang atas ng Pangulong Gloria Arroyo na tapusin ang inilulunsad na community development training ng mga sundalo sa Metro Manila.

Sinabi kanina ni AFP National Capital Region Command Chief Major General Mahommad Ben Dolorfino, walang anumang pormal na direktibang nagpipigil sa militar na ipagpatuloy ang mga programa nito sa mga barangay. Kung tutuusin aniya, sinimulan pa kanina ng NCRCom ang walong engineering projects nito sa Caloocan City.

Hindi rin maitakda ng AFP kung kailan tatapusin ang mga training at proyekto nito sa Kalakhang Maynila na posibleng abutin pa kahit tapos na ang eleksyon. Samantala, itinatanggi ni Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na may planong magamit sa dayaan sa May elections ang militar kung kayat maaagang nakadeploy ito kahit sa urban areas.

Wala aniyang basehan ang hinala ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino na muling masasangkot ang AFP sa pagmamaniobra ng eleksyon tulad ng nangyari noong 2004.

«Yan ay isang allegation, but time will bear us out na hindi gagawin ng mga kasundaluhan natin yan,» diin ni Bacarro sa panayam ng Mindanao Examiner. (Juley Reyes)

Mar 01 2007

Militar, Kalat Sa Maynila!

MANILA (Mindanao Examiner / 01 Mar) — INAMIN ng Armed Forces of the Philippines National Capital Region Command ang pagpapakalat ng mga sundalo sa Kalakhang Maynila.

Una nang tinutuligsa ng mga militanteng grupo ang military deployment sa Metro na umano’y nangangampanya laban sa ilang partylists na iniuugnay sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army at nagmomonitor sa galaw ng mga aktibista.

Katwiran ni AFP-NCRCOM Chief Major General Mohammad Dolorfino, walang intensyon ang militar na magdulot ng pagkapanik sa mga militanteng grupo ang kanilang community service sa mga barangay.

Ipinaliwanag nito na nakatuon ang military deployment sa pagresolba ng mga problema sa komunidad sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police, City government, barangay leaders at non-government organizations (NGOs).

Limitado rin ang mga armadong security ng mga sundalong kumikilos sa community service.
Binigyang-diin ni Dolorfino na mahigpit ang atas ng liderato ng AFP na dumistansya sa partisan politics kung kayat malabong ikampanya nito ang pagboykot sa mga partylist group.

Hindi rin aniya magsasayang ng panahon ang militar para tiktikan ang aktibidad ng mga militanteng grupo na nangangampanya kontra pamahalaan. (Juley Reyes)

Related Post