85948200

Bisaya Bloggers » Tagalog News

Feb 03 2008

Anti-US Rally, Nagbabanta Sa Mindanao

SULU (Mindanao Examiner / Feb. 03, 2008) – Habang papalapit ang joint RP-US Balikatan sa Mindanao at Sulu ay palakas ng palakas naman ang sigaw ng mga ibat-ibang militanteng grupo sa pagprotesta sa patuloy na pamamalagi ng mga Kanong sundalo sa rehiyon.Inaasahang magsisimula ang Balikatan sa Pebrero 18 sa lalawigan ng Sulu, Tawi-Tawi, Basilan at Lanao, na pawang mga lugar ng mga Muslim. Sinabi ng Suara Bangsamoro na nakaumang na ang malawakang protesta ng grupo na sasamahan rin ng Consortium of Bangsamoro Civil Society at iba pa.Mahigit sa 6,000 mga sundalo mula sa Estados Unidos at Pilipinas ang inaasahang sasabak sa Balikatan, ngunit iginigiit naman ng lokal na militar na pawang mga humanitarian at medical mission lamang ang isasagawa sa Mindanao at Sulu Archipelago at ang military training ay sa Luzon idaraos.“Wala naman problema ang Balikatan eh. Pulos medical mission at humanitarian activities lamang ang isasagawa natin sa Mindanao at Sulu,” ani Lt. Gen. Nelson Allaga, hepe ng Western Mindanao Command, sa panayam ng Mindanao Examiner.Subalit lumalakas ang reklamo ng kabastusan at human rights violations ng mga Kano sa mga lugar na kung saan sila naka-base.Sa Sulu ay ipinasara ng mga aroganteng Kano ang isang pagamutan sa bayan ng Panamao sa tuwing sasapit and dilim. Sa Zamboanga City ay isang lalaki na sakay ng kanyang motorsiklo ang binangga ng isang sundalong Kano na matapos ng insidente ay iniwanan lamang nito ng isang card ang biktima at iniwang dugaan sa kalsada nuong nakaraang lingo lamang.Sa Basilan ay may nabaril diumano ang mga Kano at hindi lamang ito ang una dahil sa Zamboanga City ay isang binatilyo rin ang ginawang target ng mga Kano habang namumulot iyo ng kahoy di-kalayuan sa isang firing range.

Matindi na umano ang galit ng mga Muslim sa mga Kano at ayaw ng karamihan na manatili ang mga ito sa Mindanao at Sulu, subali’t napipilitan na lamang dahil sa mga humanitarian at medical mission na isinagawa ng Armed Forces katuwang ang mga dayuhan.

Kapit sa patilim ang nangyayari sa mga kaawa-awang mga Muslim dahil sa hindi naman maibigay ng pamahalaan ang mga bagay na ito sa kanilang komunidad sa kabila ng matinding bigayan ng salapi ng Malakanyang sa mga kaalyadong pulitiko ng Pangulong Gloria Arroyo sa tuwing mga mga isyu ukol sa lider ng bansa. (May ambag na ulat si Nickee Butlangan)

Feb 02 2008

Kemikal Leak Sa Zambo

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 03, 2008) – Ilang residente sa isang maliit na barangay sa Zamboanga City ang umano’y nahilo at ang iba ay nagsuka matapos na makaamoy ng kemikal na tulad sa ammonia.Hindi pa mabatid kung saan nagmula ang masansang hangin na unang napuna kamakalawa ng gabi sa Barangay Mampang. Ngunit isang pabrika na gumagawa ng frozen seafood ang nasa lugar at hindi pa mabatid kung sa kanila galing ang masamang amoy.Ayon sa ibang ulat ay ilang matatandang residente rin ang isinugod sa pagamutan nuong Sabado dahil sa hirap sa paghinga. Subali’t hindi pa masabi ng pulisya o ng mga barangay officials kung may kinalaman ba ito sa masamang amoy sa naturang lugar.

Ilang mga planta ng seafood at seaweeds ang kalat sa Zamboanga City, bukod pa rito ang maraming mga bularan o gawaan ng tuyo at daing, gayun rin ng mga bagoong na ilang ulit na rin inireklamo dahil sa masamang amoy sa mga lugar na kung saan ang mga ito naroon. Gayun rin ang maraming mga tuna at sardine canning factories na bumuga ng malansang amoy sa kapaligiran. (Mindanao Examiner)

Jan 08 2008

Arroyo Pumabor Sa Damduhalang Kumpanya: KMU

MAYNILA (Mindanao Examiner / Enero 09, 2008) — Inakusahan kahapon ng militanteng Kilusang Mayo Uno ang pamahalaan na umano’y pumabor sa mga dambuhalang kumpanya ng langis.

Ito’y matapos na bawasan ng administrasyong Arroyo ng isang porsyento ang tariff sa mga oil imports.

«Hindi awtomatikong maibababa ang presyo ng produktong petrolyo, partikular ng diesel, sa desisyon ng gubyernong Macapagal-Arroyo na tanggalan ng isang porsiyento ang tariff o buwis sa mga produktong petrolyo na inaangkat mula sa ibang bansa,» ani Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.

Naunang dineklara ni Arroyo ang pagbaba ng tariff rate sa oil imports mula 3% sa 2% na lamang. «Ang mga dambuhalang kumpanya ng langis tulad ng Shell, Chevron at Petron ang direktang makikinabang lamang dito.

Mismo sa bibig ni PGMA nanggaling na hinihiling pa niya sa mga oil companies na ibaba ang presyo ng diesel dahil sa pagbaba ng oil tariffs.»

«Kung may pagbaba man sa presyo ng diesel sa susunod na mga araw, iyon ay dahil may overrprice pa na dapat tayong bawiin na P4.40 mula 2000 hanggang 2007 batay sa kompyutasyon ng IBON Foundation,» wika pa ni Suyat.

Sinabi pa ni Suyat na upang tiyak na makikinabang ang taumbayan ang dapat na ginawa ng gubyernong Arroyo ay tanggalin ang 12% na Expanded Value-Added Tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo partikular sa diesel.

«Tatlong pisong EVAT ang kinukuha ng gubyernong Arroyo sa bawat litrong diesel na kinokunsumo ng drayber at taumbayan. Kapag tinanggal ito ng pamahalaan, mas malamang na maibaba pa ang pamasahe kaya’t bababa rin ang presyo ng pangunahing bilihin kaya’t mas maraming mabibili ang mga manggagawa at taumbayan.»

«Ngunit hindi nga ito matatanggal ng gubyernong Arroyo dahil lumalabas na sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, nakikinabang din ito ng malaki kasama ang mga dambuhalang kumpanya ng langis,» paliwanag pa ni Suyat.

Idinagdag pa ng lider-manggagawa na madali para sa gubyernong Arroyo na mawalan P11Bilyon mula sa sa desisyon nitong ibaba ang tariff rate sa oil imports kumpara sa bilyon-bilyong pisong nakukuha nito sa EVAT mula sa mga produktong petrolyo.

Ayon sa IBON Foundation, 49.2 Bilyon ang nakolektang EVAT ng pamahalaan mula sa mga produktong petrolyo sa kabuuang 76.9 Bilyon nakuha nito sa lahat ng mga produkto noong 2006. (Mindanao Examiner)

Dec 11 2007

Negros, Lalahok Sa Nationwide Transport Strike

NEGROS OCCIDENTAL (Mindanao Examiner / Dec. 12, 2007) — Pinaghahandaan na umano ng transport sector ang isang malaking rally bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at iba pang produkto.
Makikilahok umano ang ibat-ibang grupo sa Negros na sasalihan rin ng mga militanteng organisasyon bilang bahagi ng isang national strike.Hindi naman agad makunan ng pahayag ang lider ng mga aktibista at transport groups sa Negros ukol sa kanilang plano, subali’t nagbabala naman ang pulisya sa anumang kaguluhang idudulot ng strike.Hinihiling ng mga transport groups noon ang pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel o kaya ay taasan ang pamasahe dahil sa halos wala na umanong naiuuwing pera ang mga driver.Reklamo rin ng mga operators ang pagtaas naman ng mga piyesa. Nanawagan naman ang ilang mga driver sa publiko na suportahan ang kanilang ipinaglalaban.

Nais ng mga ito na i-deregulate ang batas sa langis dahil kino-kontrol ng Caltex, Petron at Shell ang presyo ng gasolina at diesel. Bukod sa Negros ay makikilahok rin sa rally sa mga susunod na araw ang mga ibang transport groups sa mga lalawigan. (Mindanao Examiner)

Dec 11 2007

Parak, Patay Sa Cebu Raid

CEBU (Mindanao Examiner / Dec. 11, 2007) – Isang parak ang napatay matapos itong pagbabarilin ng isa umanong suspek sa likod ng maraming patayan sa Cebu.

Nakilala ang biktima na si PO1 Noriel Luage na napatay kamakalawa ng hapon matapos nitong pasukin ang hideout ni Ramon Baclohan na siyang itinuturo na naa likod ng ibat-ibang krimen sa Cebu.

Napatay rin ng mga parak si Baclohan matapos itong mabaril sa gitna ng kaguluhan sa bahay nito. Isa si Baclohan sa mga umano’y target ng pulisya na dakpin dahil sa hinalang sabit ang mga ito sa maraming patayan.

Suspek rin sa Baclohan sa pagpatay sa isang Hapon sa Cebu nuong nakaraang buwan. Pinaghahanap pa umano ng pulisya ang iba pang kasamahan ni Baclohan na pawing mga gun-for-hire sa Cebu.

Nabatid na nagsi-served umano ng warrant si Luage ng ito’y salubungin ng sunod-sunod na putok ng baril na siyang kumitil sa buhay ng parak na kamakailan lamang ay kinilala ng mga awtoridad dahil sa pagkakahuli sa isa pang suspek sa likod ng maraming krimen sa lugar. (Mindanao Examiner)

Jul 30 2007

Gulo Sa Basilan, Parang Bulkang Sasabog!

BASILAN (Mindanao Examiner / 30 Jul) – Mataas ang tension sa Basilan province dahil sa nakaambang paglunsad ng punitive actions laban sa Moro Islamic Liberation Front rebels na siyang pumatay sa 14 na marine soldiers, sampu sa mga ito ay pinugutan ng ulo sa labanan.

Ito ay matapos na panindigan ng MILF na hindi nito isusuko ang mga rebeldeng sabit sa pagpatay. Itinanggi rin ng rebeldeng grupo na pinugutan nila ng ulo ang mga tropa ng military.

Bukas magtatapos ang pinalawig na ultimatum ng pamahalaan sa MILF dahil sa isinagawang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na naganap sa bayan ng Al-Barka nuong July 10.

Nagbigay na ng go-signal si Armed Forces chief Gen. Hermogenes Esperon na ilunsad ang punitive actions. “It is D-Day on Tuesday,” ani pa ni Esperon.

Hindi naman natinag ang MILF sa bantang pagsalakay ng mga sundalo at sinabing matagal ng naghihintay ang puwersa ng rebelde sa Basilan at handa umano ang mga ito na ipagtanggol ang kanilang sarili.

Kasalukuyang may peace talks ang MILF at pamahalaan at tahasang sinabi ni Mohagher Iqbal, chief peace negotiator ng mga rebelde, na anumang pagkilos ng military kontra sa kanyang grupo ay isang paglabag ng cease-fire.

Sinabi ni Iqbal na nais ng MILF na maresolba sa mapayapang paraaan ang gulo sa Basilan upang hindi maapektuhan ang peace talks o kaya ay kumalat ang labanan sa ibang bahagi ng Mindanao kung sakaling lusubin ng mga sundalo ang kuta ng MILF sa Basilan.

“Sana ay magkaroon ng magandang paguusap pa at ng hindi magkaroon ng anumang kaguluhan sa Basilan,” ani Iqbal sa Mindanao Examiner.

Sinabi ni Iqbal na napatay sa labanan ang mga sundalo ng marines dahil pinasok nila ang kuta ng MILF ng walang koordinasyon.

Pinaghahanap umano ng mga sundalo ang dinukot na Italian Catholic priest na si Father Giancarlo Bossi matapos na may lumabas na ulat na naroon ang dayuhan.

Ngunit negatibo ang intelligence ng military at si Bossi ay napalaya sa Lanao del Norte nuong July 19 matapos ng 39 araw na pagkakabihag ng mga rogue MILF rebels.

(May ulat ni Mark Navales)

Jul 26 2007

Pinas, Nahaharap Sa Kalamidad!

MANILA (Mindanao Examiner / 26 Jul) – Agad na pinakilos kaninan ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) ang lahat ng regional units nito upang maglatag ng kaukulang mga hakbang laban sa nakaambang nagtuyot, lalo na sa Luzon.

Ito’y kasunod na rin ng apela ng Pangulong Gloria Arroyo para sa pagtitipid ng tubig makaraang bumaba na sa kritikal na antas ang tubig sa mga pangunahing dam sa bansa.

Nabatid kay Office of the Civil Defense spokesman Dr. Anthony Golez na naglunsad na ng information drive para sa water conservation ang NDCC, gayundin ang tungkol sa global warming at pagbabago ng klima na dahilan ng pagtuyot. Magpapatuloy rin aniya ang cloud seeding operations, partikular sa bisinidad ng mga dam.

Ang pag-ulan na naranasan kahapon sa ilang bahagi ng Metro Manila ay epekto ng cloud seeding. Tinatayang mahigit sa P100,000 ang ginugol sa bawat cloud seeding operation.

«We are telling the public not to panic. The NDCC will be proactive. The NDCC is preparing for an impending drought,» ani Golez. «All government agencies are going to mobilize their resources to mitigate the effects of the drought,» dagdag nito.

Bukod sa matagalang brown out tulad nang naranasan noong 1990s, maaaring magdulot rin ng red tide at outbreak ng mga sakit ang tagtuyot. «Three million people were affected by the drought in 1990s. The cost of damage amounted to billions,» ayon sa tagapagsalita.

Kabilang sa mga lugar na direktang maaapektuhan ng tagtuyot ay ang Ilocos, Cagayan Valley, at Central Luzon, ilang bahagi ng Metro Manila, Southern Luzon, at Bicol Region.Ngunit taliwas naman ang sitwasyon sa Mindanao dahil halos bahain naman ang maraming lugar doon dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan. Baha na rin sa malaking bahagi ng Maguindanao at lubog sa tubig ang mga taniman at palayan doon.

Sa Zamboanga City ay binaha rin ang ilang lugar dahil sa malakas na pagulan kanina at kamakalawa.

(Juley Reyes)

Jul 25 2007

Pinas, Di Natinag Sa Pagtapyas Ng U.S. Military Aid

MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jul) – Hindi natinag ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ulat na tatapyasan ng Estados Unidos ang tulong-pinansyal nito sa Pilipinas.

Ayon sa proposal ng US State Department, partikular na mabawasan ay ang Foreign Military Financing to the Philippines ng Amerika na mula $30 milyon ay naging $11 milyon na lamang.

Ipinahayag kanina ni acting Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales ang kumpyansang sasapat na ang sariling pondo ng gobyerno upang tugunan ang capability upgrade program ng militar.

«Whatever happens, we will proceed with the upgrade program of the Armed Forces. There’s no money coming from international [sources], we will use our own because it is something that we need to do,» ayon kay Gonzales.

Bagamat nakapanghihinayang aniya ang mabawasan ng financial aid subalit walang magagawa ang pamahalaan dito. «Sayang lang kung mababawasan tayo ng pera, but that’s about it,» ani Gonzales.

Kasabay nito’y umalma ang kalihim sa pag-uugnay ng pagbabawas ng US assistance sa pagkakadawit ng AFP sa extrajudicial killings at mga pagdukot.

«I don’t know why this is linked to human rights… Let’s not treat this as another propaganda issue. We will see the actual result of the deduction,» punto ni Gonzales.

Hindi naman naniniwala si Gonzales na makakaapekto ang natapyasang financial aide sa implementasyon ng Human Security Act of 2007 o ang Anti-Terrorism Law.

«We’ll see. That’s incoming money. We have been doing anti-terrorism activities ever since for several years now, so I don’t think so,» ayon kay Gonzales. (Juley Reyes)

Jul 25 2007

AFP Ingat Ngayon Sa Mga Pahayag Ukol Sa MILF

MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jul) – Ingat na ingat ngayon ang militar sa mga pahayag hinggil sa opensibang ilulunsad laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sumalakay at pumaslang sa mga kagawad ng Philippine Marines sa Basilan province.

Sinabi ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na may mga konsiderasyong panseguridad na kanilang isinasaalang-alang sa operasyon.

Bagamat ayaw aminin ni Bacarro na mayroong news blackout o gag order, hindi naman nito maipaliwanag ang nabibiting pag-atake ng military forces sa Basilan para makuha ang mga rebeldeng nasa likod ng pagpugot sa ulo ng sampung marines na kasama sa 14 na napatay nuong July 10.

Ilang araw mula nang matapos ang deadline ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon, Jr. nuong Linggo, wala pa ring nangyayaring armed contact sa kabila ng naunang pagmamalaki na tukoy na nila ang mga suspek.

Ayaw ring aminin ni Bacarro kung may «outside forces» na pumipigil sa operasyon ng militar. Ngunit sa bansa idaraos ang ASEAN meet na posibleng madiskaril kung sakaling magkaroon ng sagupaan sa Mindanao.

Unang nagbanta ang MILF na posibleng kumalat ang gulo kung sakaling atakihin ng mga tropa ang rebeldeng grupo sa Basilan.

Samantala, binigyan pa ng pagkakataon ng pamahalaan ang MILF na makumpirma sa hanay nito ang mga natukoy ng militar na suspek sa pagpaslang sa Marines sa Tipo-Tipo, Basilan.

Ayon kay acting Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales, may ilang araw pang ibinigay sa MILF leadership para maberipika kung mga tauhan nito ang nasa kanilang listahan na target ng opensiba.

«Give it a few days, we want them to validate what we have given, kailangan may validation,» ani Gonzales.

Bagamat hinihingi aniya ng gobyerno ang tulong ng MILF para mabigyan ng katarungan ang nalapastangang mga sundalo, hindi na nito hihintayin pa ang rebeldeng grupo sa kanilang magiging aksyon.

«We’re asking their help, it does not mean the Armed Forces of the Philippines and our police or the government will have to wait for the MILF. No, we will get those guilty parties,» diin pa ni Gonzales.

Ilang ulit na sinabi ng MILF na hindi nito isusuko ang kanilang miyemrbo dahil isang legitimate encounter ang naganap sa bayan ng Al-Barka ng pasukin ng mga sundalo ang kanilang lugar sa paghahanap kay Italian Catholic priest Giancarlo Bossi na dinukot nuong June 10 ng mga rogue MILF rebels sa pangunguna ng magkapatid na Akiddin at Wanning Abdusallam.

Sa Lanao del Norte naman pinalaya si Bossi nuong July 19 at sinabi nitong kailanman ay hindi siya dinala sa Basilan. (Juley Reyes)

Jul 25 2007

Wala Sa Amin Si Jonas Burgos! Sigaw Ng Militar

MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jul) – Itinanggi kanina ng militar na nasa kustodiya nito ang dinukot na aktibastang si Jonas Burgos matapos na ipagutos ng Korte Suprema sa Armed Forces na ilabas ang nawawalang magsasaka.

IKinatwiran naman ni Philippine Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr, na wala sa militar si Burgos na dinukot nuong Abril sa loob ng isang restaurant sa Caloocan.

Natunton ang sasakyan na ginamit sa pagdukot sa Philippine Army sa Bulacan province.

Naglabas ng isang writ of habeas corpus ang Korte Suprema at iniutos sa militar isuko si Burgos sa Biyernes.

«If on that day, we cannot produce Jonas, if he was with the military, there’s no reason not to bring him out,» ani Torres.

Kinatigan ng Korte Suprema ang habeas corpus petition ni Mrs. Edita Burgos, ang ina ni Jonas, upang atasan ang Pangulong Gloria Arroyo na ipalutang kina Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. at Army Chief Lieutenant General Romeo Tolentino, at sa iba pang military commanders ang nawawalang aktibista.

Una nang tinukoy ng pamilya Burgos ang 56th Infantry Battalion sa Bulacan na may kagagawan umano ng pagdukot. Inakusahan rin ni Mrs. Burgos si Esperon na pinagtatakpan ang mga tauhan nito nang mabigong ibahagi sa kanila ang sipi ng resulta ng imbestigasyon ng militar sa naturang insidente.

Ayon kay Torres, kung tutuusin ay kumilos na rin ang tropa ng Army sa buong bansa upang hanapin si Jonas.

«We have been consistent with our efforts to try to locate Burgos. From the start, we have been supporting proper investigating agencies, which is the Philippine National Police,» dagdag pa ni Torres.

Magugunitang inangguluhan rin ng Philippine Army na ang rebeldeng New People’s Army ang posibleng may kagagawan ng pagkawala ni Burgos na umano’y miyembro ng gerilyang grupo.

Naunang isinabit ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco, hepe ng Presidential Task Force Against Media Harassment, ang anim na sundalo na umano’y may kinalaman sa pagkawala ni Burgos at ipinag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na i-summon ang lahat ng suspek upang maimbestigahan.

Lima sa mga sundalo ay nakilalang sina Army Lt. Col. Noel Clement, former commander ng 56th Infantry Battalion; Army Lt. Jaime Mendaro, ng 56th Infantry Battalion; Army Sgt. Jason Roxas at Air Force Cpl. Maria Joana Francisco; Army Sgt. Aron Arroyo at isang alias TL o Team Leader — lahat ay assign sa Military Intelligence Group-15.

Ngunit matapos na pangalanan ito ni Velasco ay agad naman siyang sinibak ni Justice Secy. Raul Gonzales. Itinanggi rin ng mga sundalo na may kinalaman sila sa pagdukot kay Burgos. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)

Jul 24 2007

Senador Trillanes, Aapela Sa Korte Upang Makalabas!

MANILA (Mindanao Examiner / 24 Jul) – Hihilingin umano ni Senator Antonio Trillanes IV sa Makati Regional Trial Court na mapayagan itong makapagpyansa upang makadalo sa mga sesyon ng Senado.

Sinabi ng senador na kasalukuyang nakapiit sa Marines headquarters sa Fort Bonifacio sa Taguig City na magsasampa ang kanyang abogado ng petisyon kay Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 ng Makati RTC upang pansamantalang makalaya.

Bagamat ibinasura noong Mayo 9 ang unang motion to post bail ni Trillanes upang makapangampanya, iba na umano ang sitwasyon ngayong isa na siyang halal na mambabatas.

Naninindigan naman si Attorney Reynaldo Robles na maging ang Korte Suprema ay naniniwalang marapat mapagbigyang makapagpyansa si Trillanes bagamat isang non-bailable offense ang kinakaharap nito, dahil sa malabong posibilidad na takasan ang prosekusyon.

Inihalimbawa ng abogado ang desisyon ng Supreme Court sa Justiniano Montano vs Felicismo Ocampo nang maharap ng capital offense si Montano ngunit pinagpyansa sapagkat imposibleng makatakas sa social standing nito.

Isusumite rin ni Robles sa korte ang resolusyon ng Senado na nagbibigay suporta kay Trillanes na dumalo sa mga sesyon at trabaho ng Mataas na Kapulungan.

Ito rin ang hiniling ng mga senador kahapon upang pahayagan si Trillanes na magampanan ang kanyang tungkulin. Nais ng ibang mga senador na kaalyado ni Trillanes na sa Senado na ibigay ang kustodiya sa dating coup leader. (Juley Reyes)

Jul 18 2007

Ultimatum Sa MILF, Ikinasa Na!

MANILA (Mindanao Examiner / 18 Jul)- Pitong araw ang ibinigay ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang isuko ang mga rebelde nitong pumatay sa labing 14 na kagawad ng Philippine Marines sa Basilan province.

Kasabay nito, ikinasa na rin ang isa pang batalyon ng Marines o kabuuang 500 sundalo upang dalhin sa Basilan at tugisin ang mga gerilya.

Ito na umano ang magiging hudyat ng giyera ng MILF at militar na handa namang tapatan ng rebeldeng samahan.

«Another battalion is in the process of being shifted to Basilan,» ayon kay AFP public information officer Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro.

Sa Biyernes, inaasahang darating sa Basilan ang nasabing tropa ng militar upang ayudahan ang dalawang brigada ng Marines at Philippine Army sa kanilang opensiba.

Pinulong kanina ni Esperon sa Zamboanga City ang ground commanders nito sa Basilan upang planuhin ang matinding opensiba na kanilang ilulunsad.

«The Chief of Staff is being given a briefing. Operational directives will be given,» dagdag ni Bacarro.

Ipinunto ni Bacarro na kung sinsero ang MILF na matuloy ang negosasyon ng usapang pangkapayapaan ay hindi dapat ito nagmamatigas na protektahan ang mga kasaping nagtraydor sa mga sundalo kung saan ay sampu sa mga ito ang pinugutan ng ulo at ninakawan. (Juley Reyes)

Jul 15 2007

Anti-Terrorism Law, Pinaboran At Binatikos Sa Zamboanga!

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 15 Jul) Mistulang ordinaryong araw ang nagdaan kahapon sa karamihan ng mga tao sa Zamboanga City – ito’y sa kabila ng alinlangan ng mga militantanteng grupo at ng Simpbahan sa implementasyon ng Human Security Act of 2007 o ang Anti-Terrorism Law.

«Wala naman problema ang Anti-Terrorism Law at maganda nga iyan dahil may batas na tayo na siyang tutugon sa problema ng Abu Sayyaf,” ani Joseph Atilano, isang negosyante sa Zamboanga City.

Kahapon nagsimula ang implementasyon ng HAS at walang nakitang mga rally o protesta ditto ukol sa nasabing batas.

Ngunit mangilan-ngilan rin, karamihan ay mga estudyante sa unibersidead, ang nagsabign dapat pagtibayin muna ng pulisya at military ang kanmpanya nito sa terorismo at hindi ang HAS ang siyang gawin pananggalang sa karahasan dulot ng Abu Sayyaf at iba pang mga grupo tulad ng Moro Islamic Liberation Front, Jemaah Islamiya at New People’s Army.

“Gagamitin lamang ni (Pangulong) Gloria (Arroyo) ang HAS upang targetin ang mga militatenteng grupo at ang oposisyon at maging mga tulad naming estudyante na bokal sa aming pagpapahayag ng damdamin ay tiyak mamimiligro.

Dapat ay amyendahan ang batas kontra krimen at hindi HSA ang sagot sa terorismo,” wika ni Arnold Santos, nagpakilalang student leader ng Western Mindanao State University.

Maging ang Catholic Bishop Conference of the Philippines ay nanawagan sa pamahalaan na ipagpaliban muna ang implementasyon ng HAS upang mabigyan ito ng sapat na pagaaral.

Sa ilalim ng HAS ay pedeng maaresto ang sinuman pinaghihinalaang terorista. At maging ang wiretapping ay pedeng gawin ng pamahalaan sa mga target nito. Pedeng basahin ng sikreto ang mga probadong e-mail, cell phone calls at text messages ng halos 45 milyong Pinoy na may mobile phones.

Ngunit sinigurado naman ng pamahalaan na hindi maabuso ang HAS at may proseso umano ito upang maisakatuparan ang anumang operasyon kontra terorismo. Hindi rin sapat ang teknolohiya ng pamahalaan o mga gamit nito sa pagespiya sa mga terro target. (Mindanao Examiner)

Jul 13 2007

Peace Talks Sa MILF, Namimiligro Na Dahil Sa Basilan Clash!

Si Philippine Marines chief Maj. Gen. Nelson Allaga habang nakatitig sa labi ng mga sundalong napatay ng Moro Islamic Liberation Front sa Basilan province. (Mindanao Examiner Photo Service)

BASILAN (Mindanao Examiner / 13 Jul) – Nagmatigas kahapon ang pamahalaan na dapat pagbayaran ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Abu Sayyaf ang pagpatay sa 14 na sundalo sa lalawigan ng Basilan.

Sampu sa mga napatay ay pinugutan ng ulo at ang iba naman ay tinanggalan pa ng ari ng mga rebeldeng MILF at militanteng Abu Sayyaf sa labanan nanaganap nuong nakaraang Martes sa bayan ng Al-Barka.

Naunang ipinahayag ng militar na handa itong tugisin ng militar ang mga Abu Sayyaf sa lalawigan ng Basilan kahit pa nasa lugar ito ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Tiniyak naman kahapon ni acting Defense chief Norberto Gonzales na bibigyan ng aksyon ng pamahalaan ang naganap na karumaldumal na pagpaslang sa mga sundalo.

Kasalukuyang may peace talks ang pamahalaan sa MILF at anumang kaguluhan sa pagitan ng dalawang grupo ay posibleng makadiskaril sa paguusap.

“Hindi natin papayagan na hindi maparusahan yun gumawa ng ganoon,” ani pa ni Gonzales sa pahayag nito sa himpilang dzRH.

Sinabi ni Gonzales na bagamat importante ang peace process sa Mindanao ay dapat isaalang-alang ang batas ng bansa.

Halatang masama ang loob ni Gonzales habang nagbibigay ng pahayag dahil sa nasawing mga marines. Ibinunyag pa nitong miyembro rin siya ng Philippines Marines at isang reservist.

Tila hinamon pa ni Gonzales ang MILF ng sabihin nito sa radyo na: “Eh kung gusto nilang umatras eh di umatras sila (sa peace talks) pero sa ilalim ng batas ay dapat (silang) parusahan.”

Ito ay matapos na sabihin ng dzRH na dahil may peace talks ay hindi maaring ipanakot ito ng rebeldeng grupo.

Sinabi ni Gonzales na hindi lamang ambush ang ginawa ng MILF dahil pinugutan pa ng ulo ang mga sundalo.

“Nasa peace process tayo eh tapos aambusin ninyo ang mga sundalo. At hindi lang simpleng ambush ang ginawa at kita-kita naman ng lahat (sa television videos) ang nagyari at hindi naman natin pedeng payagan iyan,” ani Gonzales. “Hindi natin papayagan na yun mga nagkasala ay hindi paparusahan.”

Unang sinabi ni Philippine Marines chief, Maj. Gen. Nelson Allaga na hindi titigilan ng mga tropa ang grupong nasa likod ng pagpatay sa mga sundalo.

«Definitely, we will pursue the Abu Sayyaf wherever they are,» ani Allaga ng tanungin kung hahabulin ng mga tropa ang mga militante.

Ito rin ang sinabi sa Abante ni Western Mindanao chief Lt. Gen. Eugenio Cedo at hindi titigil ang militar sa pagtugis sa Abu Sayyaf.

Unang ibinintang ng militar sa Abu Sayyaf at MILF ang pagpatay sa sundalo ng Marines. Nais rin ni Cedo na makuha ang mga armas na nasamsam ng [inagsanib na puwersa ng Abu Sayyaf at MILF, kabilang ang limang M60 machine guns at mga automatic rifles.

Sinabi ni Cedo na ang mga sundalong napatay ay bahagi ng mga grupong naghahanap sa dinukot na Italian Catholic priest Giancarlo Bossi na umano’y bihag sa bayan ng Al-Barka. «There is a high probability the kidnapped priest was brought to Basilan,» dagdag pa nito.

Kahapon ay inamin ng AFP na may mga kilos na ang militar sa Basilan at ipinupuwesto na ang mga sundalo upang tugisin ang nasa likod ng pagpatay sa 14 na tropa ng Marines.

«We are pre-positioning troops in the area. It will be more of punitive actions. We will be running after the perpetrators,» ani Bacarro.

Sa harap nito, sinabi ni Bacarro na titiyakin naman ng militar ang kaligtasan ni Bossi sakaling nasa Basilan nga ito itinatago ng mga dumukot sa kanya. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)

Jul 13 2007

Palpak Na U.S. Mortar, Iimbestigahan Ng Marines

MANILA (Mindanao Examiner / 13 Jul) — Bubusisiin ng Philippine Marines ang naging pagpalpak ng ilang mortar na umano’y galing sa Estados Unidos habang nasa kasagsagan ng pakikipaggiyera sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan. Sinabi ni Philippine Marine Corps spokesman Lieutenant Colonel Ariel Caculitan na bagamat prayoridad nito ang pagtutugis sa mga sumalakay sa tropa nito, mahalaga ring maungkat ang sanhi ng pumalyang mortar ng militar. «On the level of the AFP, this will be addressed and our primary concern is to ensure that our weapons are working properly and that we are efficient in combat,» ani Caculitan.Magugunitang labing-apat na Marines, kung saan ay sampu ang napugutan ng ulo, sa naturang engkuwentro.Inihayag naman ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na batay sa lot number ng mga pumalpak na mortar, natunton na nagbuhat ito sa Estados Unidos, ngunit hindi niya matiyak kung binili ito o donasyon lamang.Sinabi ni Bacarro na posible ngang hindi pumutok ang isang mortar ngunit imposible nang makailang ulit ang pagpalya nito.Zero-defect aniya ang nasabing mga mortar subalit posibleng nagkaroon ito ng damage nang dalhin ng mga sundalo sa field na bukas sa ibat-ibang epekto ng kalikasan.Ang bawat mortar ay nagkakahalagang $134 kada isa at may fuse na aabot naman sa $150.Samantala, inatasan na ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Acting Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales na madaliin ang full implementation ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.Ayon kay Gonzales, pinag-aaralan na nito kung paano maipatutupad at mapopondohan ng mabilis ang pagbili ng mga makabagong kagamitang pandigma ang militar.Ayaw ng kalihim na gumamit pa ang mga sundalo ng mga segunda-mano o donasyong gamit mula sa ibang bansa sapagkat buhay ng mga tauhan ng AFP ang nakataya o nalalagay sa alanganin.Ipinag-utos rin ni AFP chief General Hermogenes Esperon Jr., ang suspensyon sa paggamit ng libu-libong rounds ng 81-milimeter mortar nito habang iniimbestigahan ang pagkakapalya ng mga bala sa kasagsagan ng giyera ng Philippine Marines sa MILF.

Binigyang ni Esperon ang investigating team sa pamumuno ni Brigadier General Henry Galarpe, deputy Armed Forces Inspector General, ng pitong araw upang tapusin ang pagbusisi nito maging sa mga nangyari sa engkuwentro. (Juley Reyes)

Jul 10 2007

Tropa, Balik Metro Na Naman!

MANILA (Mindanao Examiner / 10 Jul) – Muling pinakawalan ng Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command (AFP-NCRCom) ang mga tropa nito sa Metro Manila sa kabila ng mga kinakaharap na pagtuligsa mula sa ibat-ibang sektor.

Tinatayang 100 sundalo na ipinakalat sa Quezon City at Taguig City, ayon kay Colonel Ricardo Visaya, hepe ng Civil Military Operations Battalion ng Philippine Army.

Sa susunod na linggo naman ay ikinasang i-deploy ang may 160 sundalo sa Maynila at Caloocan City.

Ayon kay Visaya, layunin ng nasabing deployment na ipabatid sa mga residente ng Kalakhang Maynila ang taktika ng paghihikayat ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

«We will inform the residents about the recruitment activities of the NPA [New People’s Army]. We will conduct lectures,» ani Visaya.

Target rin na tunguhin ang mga day care center upang ituro sa mga bata ang kasamaan ng komunismo. «We have to start with the next generation,» dagdag pa nito.

Una nang pansamantalang inalis ng Armed Forces ang mga sundalo nito sa Metro Manila upang bigyang-daan ang May 14 elections at maiwasang mapagdududahang may gagawing pagmamanipula o pandaraya sa halalan. (Juley Reyes)

Jul 10 2007

12 Magdalo Leaders, Umamin Na Sa Kasalanan

MANILA (Mindanao Examiner / 10 Jul) – Umamin sa kasalanan ang 12 lider ng Magdalo hinggil sa pagkakasangkot nila sa nabigong kudeta noong Hulyo 2003.Mahaharap sa parusang dishonorable dismisal sa serbisyong militar ang 12 opisyal kasunod ng kanilang paghahain ng guilty plea sa kasong paglabag sa Artircles of War 96 (conduct unbecoming of an officer and a gentleman) sa pagdinig ng General Court Martial kanina.Kabilang sa 12 opisyal na ito ay sina Army Captains Gerardo Gambala, Milo Maestrecampo, Lawrence Luis Somera, Albert Baloloy, John Andres, Florentino Somera, at Alvin Ebreo, gayundin sina First Lieutenants Cleo Donga-as, Audie Tocloy, Von Rio Tayab, Rex Bolo, at Brian Yasay.Sinabi ni court president, Brigadier General Nathaniel Legaspi, na isasapormal nito ang pagbaba ng hatol sa mga akusadong Magdalo sa susunod na pagdinig na hindi pa naitatakda ng military court.Katwiran ni Legaspi, kailangan nilang maging maingat sa magiging promulgasyon batay sa naging takbo ng paglilitis kanina.»We have to be very careful. There are a lot of inputs today. We have to sort it out before we promulgate your sentence,» ani Legaspi.

Ang 12 ay kabilang sa 29 junior officers na may kinakaharap na paglabag sa AW 96. Ngunit hindi nakisali sa pumasok sa special plea na ito ang mga lima pang Magdalo leader na kinabibilangan nina Senator Antonio Trillanes IV at Marine Captain Nicanor Faeldon na kapwa hindi sumipot sa hearing. (Juley Reyes)

Jul 08 2007

Dagdag Siguridad, Inilatag Sa Mindanao Sa Pagdating Ni PGMA

MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / 08 Jul) – Nagdagdag ng siguridad ang militar at pulisya sa Mindanao dahil sa pagbisita ni Pangulong Gloria Arroyo sa Lunes bilang bahagi ng pagiikot nito at isasagwang anti-terror summit.Isang pampasaherong bus ang binomba Sabado ng hapon sa Koronadal City sa South Cotabato province. Mataas ang banta ng terorismo sa Mindanao na kung saan ay nakatakda rin magtungo si US Ambassador Kristie Kenney sa Maguindanao upang bumisita sa mga lugar na kung saan ay may proyekto ang kanyang bansa.Hindi naman naglabas ng detalye ang Malakanyang sa mga lugar na pupuntahan ni Arroyo maliban sa Cagayan de Oro. Isasakatuparan na kasi sa susunod ng linggo ang implementasyon ng Human Security Act of 2007 o ang Anti-Terrorism Law ng bansa.Sumambulat ang likuran ng bus na pagaari ng YBL sa isang terminal dakong alas 5.35 ng hapon matapos na makababa ang mga pasajero nito. Galing sa Tacurong City sa Sultan Kudarat province ang naturang bus, ayon sa mga awtoridad.Walang umako sa atake at ayaw sabihin ng pulisya at militar kung may kinalaman ang pagsabog sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamya. Pinasabugan ang bus kasabay rin ng banta ng mga trabahador ng YBL na magwe-welga dahil sa lumalalang labor dispute.Nuong nakaraang buwan lamang ay isang bus rin na pagaari ng Weena Bus Lines ang pinasabugan sa terminal sa bayan ng Bansalan sa Davao del Sur province.Nagbabala ang mga mga foreign embassies sa kanilang mga nationals na huwag magtutungo sa Mindanao at Sulu Archipelago dahil a matinding banta ng terosimo at kidnappings for ransom.

Patuloy ang opensiba ng militar kontra Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya sa katimugan at isang Italian Roman Catholic priest na si Giancarlo Bossi ang dinukot ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front nuong June 10 sa Zamboanga Sibugay province. (Mindanao Examiner)

Jul 05 2007

Jonas Burgos Report, No Way!

MANILA (Mindanao Examiner / 05 Jul) – Tuluyan nang isinara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakataon para sa pamilya ng dinukot na aktibistang si Jonas Burgos na makakuha ng sipi ng resulta ng imbestigasyon nito hinggil sa naturang insidente.Ito’y makaraang ihayag ngayon ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. na batay sa rekomendasyon ng isinagawang pag-aaral ng Judge Advocate General’s Office (JAGO), hindi maaaring isapubliko o ipamahagi ang ulat ng imbestigasyon ng Provost Marshal.Ang Provost Marshal ang nag-ungkat ng sinasabing pagkawala ng plaka ng sasakyang naka-impound sa kampo ng 56th Infantry Battalion at namataang ginamit sa get-away vehicle nang dukutin si Burgos.»There’s no need, they have studied it and the advised to me, I’m taking that, there’s no need to release it,» ani Esperon.Humihingi ng kopya ang ina ni Jonas na si Editha sa pagbusisi ng AFP sa naturang usapin ngunit una na ring tinanggihan ng militar sa katwirang konpidensyal na dokumento ito kung kayat nag-akusa na pinagtatakpan ni Esperon ang kanyang mga tauhan.Naninindigan muli si Esperon na wala rin namang mapapala ang pamilya Burgos sa Provost Marshal report dahil natutuon lamang ito sa nawawalang plaka at hindi sa paghahanap ng responsable sa pagdukot kay Jonas.»As of now that should remain as an internal document to us… It hasserved its purpose as far as we are concerned in the armed forces,» ayon pa kay Esperon. «We will come up with the whole picture as soon as we get more details,» dagdag ni Esperon.

Kasabay nito, sinabi ng heneral na masyadong maaga upang idiin ang komunistang grupo sa pagkawala ni Burgos na una na ring pinalulutang ni Army Chief Lieutenant General Romeo Tolentino. (Juley Reyes)

Jul 04 2007

Sabit Sa Bigong Coup, Hinatulan Na!

MANILA (Mindanao Examiner / 04 Jul) — Kinatigan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ipinataw na parusa ng Armed Forces General Court Martial laban sa 54 na junior officers na idinadawit sa bigong kudeta noong Hulyo 2003.Ito’y makaraan ang dalawang buwan na pumasok sa plea bargaining agreement ang nasabing mga nagrebeldeng sundalo kung saan ay inamin ng mga ito ang kasalanan kapalit ng pagbaba ng sentensya.Una nang hinatulan ng dishonorable discharge sa serbisyo at pitong taong pagkakabilanggo ang mga nasabing sundalo. Ngunit makakalaya na ang mga ito sa Enero 27 ng susunod na taon dahil sa naisilbing panahon ng pagkakakulong mula nang isakatuparan ang naudlot na kudeta.Nabatid kay AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na inaprubahan ni Arroyo ang desisyon ng military court bagamat may kapangyarihan itong baguhin o baligtarin ang hatol.»She agreed with the sentence and verdict given by the court martial,» ani Bacarro. «The approval of President Arroyo on the decision rendered by the GCM manifests that justice has been served and that the military justice system is reasonable as it is harsh.»Kasabay nito, binigyang-diin ni Bacarro na nangangahulugan lamang ngayon na walang puwang ang military adventurism sa organisasyon at hindi kukunsintihin ang mga lumalabag sa chain of command.»Military adventurism has no place in a democratic society, it will not be tolerated and that disciplinary action will, in all cases, beclear, swift, and decisive,» diin pa ni Bacarro.Naghain ng guilty plea ang naturang 54 opisyal dahil sa mga paglabag sa Article of War 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline). Kapalit nito ang pagbasura na sa mga kasong paglabag sa Articles of War: 67 (mutiny), 63 (disrespect to the President), 64 (disrespect towards superior officer), at 96 (conduct unbecoming an officer and a gentleman).

Hindi kabilang sa 54 opisyal si Senador Antonio Trillanes IV, na dating opisyal ng Navy as sabit sa bigong coup. May kinakaharap itong kaso ng kudeta sa Makati Regional Trial Court. (Juley Reyes)

Jul 03 2007

Dagdag Sweldo, Lumang Choppers Ipinangako Ng Pangulo Sa Militar

MANILA (Mindanao Examiner / 03 Jul) – Siniguro kanina ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makukuha na ng mga sundalo ng bansa ang isinabatas na pagtataas ng hazard pay at subsistence allowance mula ngayong buwan.Sa kanyang talumpati sa ika-60 taong anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF), sinabi ni Arroyo na bukod sa oportunidad para sa pabahay sa militar at pamilya nito, gayundin ang scholarships at livelihood projects, mahalagang mabigyan ng dagdag na benepisyo ang mga miyembro ng Sandatahang Lakas.Kasabay nito, tiniyak rin ng Pangulong Arroyo na madudurog na ang mga terorista at komunista sa bansa sa pagsisimula ng implementasyon ng Human Security Act of 2007 sa Hulyo 15.Umaasa rin si Mrs. Arroyo na sa pamamagitan ng naturang batas ay magiging epektibo ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa counter-terrorism campaign.»The Human Security Act shall be the basis of more effective anti-terrorism measures that will not only crush the terrorist movement in the country, keeping away from our shores, and also make us more effective in fighting terrorism together with our ASEAN [Association of Southeast Asian Nations] brothers,» ayon sa Presidente.Samantala, binanggit ng Pangulo ang nakakasa nang planong pagbili ng P5 bilyong halaga ng mga bagong UH-1H helicopters na ligtas na magagamit ng mga piloto ng PAF.Ang naturang hakbang ay nakapaloob sa Philippine Defense Reform program na pinondohan ng P17.5 bilyong piso ng gobyerno.

Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang siyam na regional Air Force chiefs ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) na sina Brigadier General Dato Paduka Mahmud ng Brunei, Lieutenant General Soeung Samnang ng Cambodia, Air Chief Marshal Herman Prayitno buhat sa Indonesia, Colonel Khamphone Sivixay ng Laos, General Dato Azizan Bin Ariffin ng Malaysia, General Myat Hein ng Myanmar, Major General Ng Chee Khern ng Singapore, Air Chief Marshal Chalit Pakbhasuk ng Thailand, at Major General Le Huu Duc mula sa Vietnam. (Juley Reyes)

Jul 03 2007

Kontaminadong Gatas Nasa Pamilihan Pa Rin?

CEBU (Mindanao Examiner / 03 Jul) – Sa kabila ng kautusan ng pamahalaan na tanggalin ang ilang mga produkto ng Wyeth na umano’y kontamindao mula sa pamilihan sa buong bansa ay patuloy pa rin diumanong nakikita sa maraming lugar sa Visayas ang mga infant formula nito.Ipinag-utos ng Bureau of Food and Drugs na tanggalin ang mga canned infant milk matapos na matagpuan ang mga lata nitong may kalawang, partikular ang mga lumabas o gawa mula Mayo 23 hanggang Hulyo 26 nuong nakaraang taon at mga productkong may Lot No. 172.Sinabi naman ng Department of Health sa Visayas na walang mga kontaminadong infant milk sa mga supermarkets at drug stores sa Cebu, taliwas sa mga nagkalat na balita.Ngunit posibleng nasa mga tindahan at parmasya ang ibang Wyeth products. Kabilang sa mga ipinag-utos ng BFAD na tanggalin sa pamilihan ay ang Bonna, Promil, Bonakid, Bonamil at Progress Gold.

Sinurado naman ng Wyeth na nakikipagtulungan ito sa BFAD at DOH upang maialis ang mga depektibong produkto at sa katunayan umano ay naglabas rin ito ng Telephone Hotline 02-8199384 at ang Toll Free 1800-10884-2222 upang tugunan ang anumang katanungan o reklamo ukol sa mga gatas nito. (Mindanao Examiner)

Jul 02 2007

PECOJON Magdaraos Ng Seminar Sa Mindanao

NEGROS (Mindanao Examiner / 03 Jul) – Isang peace journalism seminar na naman ang ilulunsad ng tanyag na German video-journalist na si Antonia Koop para sa mga Pilipinong mamamahayag sa Mindanao.Mula sa Bacolod ay magtutungo si Koop, isa sa mga founder ng international organization na PECOJON o Peace and Conflict Journalism Network, sa Davao City upang mabigyan ng seminar ang inaasahang tatlong dosenang mga Pinoy journalists.Layunin umano ng PECOJON na makatulong sa mga mamamahayag sa buong mundo sa responsableng paguulat ng mga ito at mga hakbang na dapat gawin sa oras ng peligro dahil sa kanilang trabaho.Ilang ulit na rin nagsagawa ng seminar at training si Koop sa ibat-ibang lugar sa bansa – mula Luzon hanggang Mindanao – ay narating na ng grupo nito.Nuong nakaraang buwan ay sa Cebu isinagawa ang tatlong araw na seminar na dinaluhan ng ilang dosenang reporters mula sa Mindanao, Visayas at Luzon. Libre ang seminar dahil suportado rin ito ng InWent, isang malaking organisasyon sa Germany.

Sa kabila ng travel advisory ng mga ibat-ibang embahada sa bansa ay mistulang walang takot naman si Koop sa kanyang adbokasiya. Matagal na nag-cover si Koop sa magulong bansa ng Israel at Palestinian. (Mindanao Examiner)

Jul 02 2007

Bagong Lider Ng Abu Sayyaf Target Ngayon Ng Militar Sa Sulu

MANILA (Mindanao Examiner / 02 Jul) – Nakahanay na rin sa tinatarget ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mapatumba ang sinasabing bagong lider ng Abu Sayyaf na si Yasser Igasan sa Sulu.

Gayunman, sinabi ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na hindi maituturing na mabigat na banta si Igasan kumpara sa mga napaslang na pinuno ng Abu Sayyaf na sina Khadafi Janjalani at Abu Solaiman.

May duda rin si Esperon na kontrolado ni Igasan ang kabuuan ng bandidong grupo sapagkat may mga impormasyong ayaw sa kanya ng ibang miyembro.

Kasabay nito, may mga kumpirmasyon nang isinasagawa ang militar kung si Igasan na ang tunay na bagong lider ng Abu Sayyaf.

“That is a continuing effort the matter of confirming whether it is Igasan, but indeed he can be our target now, so whether he is the leader or not he has figured out in our reports he must be a target now,» ani Esperon.

Walang masyadong alam ang AFP tungkol kay Igasan na sa hanay ng mga sinasabing lider ng teroristang grupo, siya ay hindi masyadong popular ngunit sinasabing may mga pagsasanay sa ibang bansa.

Sinisilip na rin ng militar ang posibilidad na mayroong koneksyon sa mga dayuhang bansa si Igasan.

Bukod sa Abu Sayyaf ay tinutugis rin ng mga sundalo ang mga lider ng Jemaah Islamiya na sina Dulmatin at Umar Patek na umano’y kinukupkop ng grupo ni Igasan sa Sulu.

Kasalukuyang may mga travel warnings ang ibat-ibang embahada dahil sa banta ng terorismo sa bansa.

Ngunit wala naman balak si acting Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales na magbago ng alerto sa Metro Manila at Mindanao sa harap ng banta ng terorismo hindi lamang sa bansa, ngunit maging sa ibat-ibang panig ng mundo.

Kamakalawa lamang ay isang kotseng sinunog ang umararo sa passenger terminal ng Glasgow Airport sa London at 5 katao ang dinakip.

Binigyang-diin ni Gonzales na mananatili ang pinakamababang alerto sa Metro Manila habang hindi rin babaguhin ang pinakamataas na terror alert o extreme critical alert sa Mindanao.

Ikinatwiran ng kalihim na wala namang direktang implikasyon sa lokal na seguridad ang terror scare sa United Kingdom bagkus ay indikasyon lamang na aktibo ang global terrorism.

Bunsod nito’y hindi aniya dapat mag-relax ang mga awtoridad upang hindi maisahan ng mga terorista.

Buwanang nagkakaroon ng ebalwasyon ang NSC at iba pang security agency hinggil sa itatakdang alerto sa bansa.

Noong nakaraang Biyernes, dalawang sasakyan na naglululan ng mga eksplosibo ang natagpuan sa London.

Binanggit pa ni Gonzales na naghahalo na rin ang terorismo at pangingikil bilang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga kriminal, lalo na sa Mindanao. (Juley Reyes)

Jul 02 2007

Walang Maitutulong Ang Imbestigasyon Sa Kaso Ni Jonas Burgos: AFP

MANILA (Mindanao Examiner / 02 Jul) – Kahit na ipilit ng mga kaanak ng nawawalang aktibista at anak ng publisher na si Jonas Burgos na makakuha ng sipi ng resulta ng imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), wala itong mapapala upang masolusyunan ang kaso.Ayon kay Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr., natuon lamang sa nawawalang plaka ng sasakyan na naka-impound sa kampo ng 56th Infantry Battalion sa Norzagaray, Bulacan ang imbestigasyon at hindi sa pagtukoy kung sino ang dumukot kay Burgos sa hanay ng militar.Ang naturang plakang nawawala ay namataan umanong ginamit sa get-away vehicle nang dukutin si Burgos.»The matter of releasing the document is not material to solving the abduction itself,» punto ni Esperon na tumutukoy sa resulta ng pagsisiyasat ng AFP Provost Marshal hinggil sa nasabing isyu.Ipinahiwatig na rin ng heneral ang hindi pagpayag na mabigyan ng kopya ang pamilya Burgos ng Provost Marshal report sa harap ng pag-aaral na isinasagawa ng Judge Advocate General’s Office (JAGO) kung legal na ilabas ang pag-uulat nito sa kontrobersya.Bahagi ng polisiya ng AFP ang manatiling confidential ang mga dokumento nito.Bagamat nauunawaan ni Esperon ang alegasyon ni Mrs. Editha Burgos na mayroong cover-up sa pag-uungat ng AFP sa naturang isyu, naninindigan siyang walang alam ang militar sa pagkawala ng batang Burgos.

«If there is any allegation that there is a cover up, I understand there is a grieving mother but I must assure her that we are doing our best to help out in the situation,» pahayag pa ni Esperon. (Juley Reyes)

Jul 02 2007

Dating Security Adviser, OIC Defense Chief Na; Bumanat Agad!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 02 Jul) – Aminado ngayon ang kaluluklok na Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND) na si National Security Council (NSC) Adviser Norberto Gonzales na tagumpay o nakalalamang ang mga kalaban ng Estado sa mapanirang propaganda.Isinagawa kanina ang turn-over ceremony sa Tanggulang Pambansa na pansamantalang pangangasiwaan ni Gonzales sa loob ng isang buwan bago maupo si Tarlac Rep. Gilbert Teodoro Jr. sa Agosto 3.Ang dating kalihim na si Hermogenes Ebdane Jr., ay ibinalik sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang limang buwang panunungkulan sa DND. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Gonzales na tuluyang nadidiin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa usapin ng extrajudicial killings dahil sa kampanya ng mga kalaban tulad ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).»Enemies are successful in showing that we are wrong. This cannot be allowed to happen. The communists is using the killings as propaganda, unnecessarily blaming the government,» ani Gonzales.Sa isang buwang magiging pag-upo ni Gonzales ay tiniyak nito sa mga miyembro ng AFP na hindi na magagamit ng mga rebelde at terorista ang black propaganda upang linlangin o papaniwalain ang taumbayan.

Pinayuhan rin ng kalihim ang militar na isakatuparan ang trabaho nang matahimik.Nais ni Gonzales na maipursige ang mga pagsisiyasat sa pagkakadawit ng militar sa political killings at bigyan ng pagkakataon ang mga kaanak ng biktima na makapagsalita para sa panig nito. (Juley Reyes)

Jun 29 2007

Senador Trillanes, Tumira Na!

MANILA (Mindanao Examiner / 29 Jun) – Inakusahan ni Sen. Antonio Trillanes IV ang kandidato ng Team Unity na si Juan Miguel «Migz» Zubiri na nakinabang sa dayaan nitong nakalipas na halalan.Pormal nang nakapanumpa kanina bilang senador ang dating opisyal ng Philippine Navy na nanguna sa pag-aaklas ng militar noong Hulyo 2003 laban sa administrasyong Arroyo.»I wouldn’t want a cheat to join me in the Senate,» ani Trillanes.»I believe Congressman Zubiri knows deep in his heart that he benefited from cheating. If he is decent enough, he wouldn’t accept victory in the Senate race because that is not something you want your kids to emulate,» dagdag na patutsada nito.Matapos ang pagbibilang ng mga boto buhat sa Maguindanao ay nalamangan na ni Zubiri si Genuine Opposition candidate Atty. Aquilino PImentel III. Ang certificate of canvass sa Maguindanao umano ay sinasabing balot ng pandaraya pabor sa mga pambato ng administrasyon.Binatikos naman ni Zubiri ang dating opisyal ng militar at libelous umano ang paratang ni Trillanes sa kanya.Bukod kay Zubiri ay tinirada rin ni Trillanes si Pangulong Gloria Arroyo at ipinangakong hahalungkutin ang «Hello Garci» scandal sa Senado.Samantala, inaantabayan pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magiging desisyon ng Makati Regional Trial Court hinggil sa hahawak sa kustodiya kay Trillanes.Nakapiit pa rin ang senador bunsod ng kinakaharap na kasong kudeta sa civilian court at paglabag sa Articles of War ng militar matapos masangkot sa Oakwood mutiny.Ayon kay Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, ngayong pormal nang matatawag na senador si Trillanes, mahalaga sa AFP na mabigyang-linaw kung sila pa rin ang magdiditine kay Trillanes.Kahit aniya may legal na implikasyon kung hindi mapunta sa kanila ang kustodiya, sapat na rin na malinawan ito ng korte at hindi na aapela pa ang AFP.

Iginigiit lamang ng AFP na matiyak na mapapalutang sa mga paglilitis ng General Court Martial si Trillanes. (Juley Reyes)

Jun 28 2007

NPA Lang, Kayang-Kayang Umano Ng Armed Forces!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 28 Jun) – Nagmamalaki ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kakayanan nitong madurog ang rebeldeng New People’s Army (NPA) kahit na hindi tulungan ng Estados Unidos sa anti-insurgency campaign nito.Kumpyansang ipinahayag ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na kung tutuusin ay mas maaga pa sa takdang panahon ang mga istratehiyang isinasakatuparan nito para sa matagumpay na kampanya laban sa mga komunista.»Strategically, the way we are going right now based on the projections that we have, we are doing well, we are even ahead of the schedule,» ani Bacarro.Target ng militar na unti-unting mapilayan ang mga rebelde hanggang sa maparalisa sa taong 2010.»We will defeat them by 2010, reducing them to an inconsequential level,» ayon sa opisyal.Nagsimula aniya sa mahigit 7,000 noong nakaraang taon ang bilang ng mga rebelde, gayundin ang pag-arangkada ng Oplan Bantay Laya ng militar, target ng AFP na mabawasan ng 1,000 gerilya kada taon ang puwersa ng NPA.Sinabi ni Bacarro na sa ganitong paraan ay hindi na makapaglulunsad ng malalaking pagsalakay ng komunistang samahan, bukod pa sa gugutumin rin ang mga ito kapag napilayan ang pinagkukunan ng kanilang resources.Naniniwala pa ang opisyal na mas kayang makontrol ang NPA kaysa halos 300 hanggang 400 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).»Ang ASG kasi, it has stake taken international prominence, but the NPA we are determined that we can handle them,» hirit pa ni Bacarro.Ngunit sa kabila ng mga pahayag ng U.S. at AFP ukol sa NPA ay nagbanta naman ang rebeldeng grupo na gaganti ito kung sakaling makikialam ang mga Kano sa labanan.Tinuligsa rin ng NPA ang ginawang invasion ng U.S. sa Iraq at Afghanistan at ang Pangulong si George Bush.“Right now the US is sinking deeper in two quagmires, in Iraq and Afghanistan. Even Bush is now in boiling water in Washington for launching wars of aggression.”

“However, should the US decide to bring in more troops to the Philippines and engage in further intervention or aggression against the revolutionary forces, the Filipino people and revolutionary forces would gain the golden opportunity to avenge the more than 1.5 million Filipinos who were martyred by US military actions from the start of the US-Filipino war in1899 to the end of the US pacification campaigns in 1914,” ani Fidel Agcaoili, ang chairman ng National Democratic Front Human Rights Committee. (Juley Reyes)

Jun 28 2007

AFP, Patuloy Na Nagmamatigas Sa “Jonas Burgos” Case!

Mga kaibigan at pamilya ni Jonas Burgos sa isang rally sa Maynila.

MANILA (Mindanao Examiner / 28 Jun) – Nagmatagis kanina ang Armed Forces of the Philippines na hindi nito ililitaw ang dokumentong nagtataglay ng resulta ng isang imbestigasyon sa mga miyembro ng Army ukol sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.

Nais ng pamilya ni Burgos na makakuha ng kopya ng imbestigasyon na ginawa ng Provost Marshal. Isinabit ng pamilya ni Burgos ang mga sundalo ng 56th Infantry Battalion dahil sa isang plaka ng sasakyan nasa pangangalaga nito ang siyang ginamit ng get-away vehicle sa pagdukot kay Burgos sa Gotesco Mall mahigit dalawang buwan na ang nakaraan.

Sinabi ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na confidential ang mga dokumento at hindi puwedeng isa-publiko. Gayunman, idinagdag nitong pinag-aaralan ng Judge Advocate General’s Office (JAGO) kung papayagan ang pamilya Burgos na makakuha ng kopya ng Provost Marshal report.

Ang AFP Provost Marshal ang nagsagawa ng pagbusisi hinggil sa umano’y kapabayaan ng ilang opisyal at tauhan nito nang manakaw ang plaka ng naka-impound na trak sa kampo ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Norzagaray, Bulacan at nakitang ginamit sa get-away vehicle nang tangayin si Burgos.

Ngunit kung susundin aniya ang normal na regulasyon sa militar, hindi maaaring ilabas ang investigation report dahil isa itong panloob na dokumento ng AFP.

«It is an internal document of the AFP. Normally, it is not for disclosure,» ani Bacarro.

Lalo naman nagdiin sa AFP ang pagkakasangkot nito sa pagkawala ni Burgos dagil sa pagtatago ng dokumento, ayon sa mga kaibigan ni Burgos. Baka pa umano magkaroon ng «white wash» sa resulta ng imbestigasyon o kaya ay mabago ang mga nakasaad doon.

Una nang pinaratangan ni Editha Burgos, ang ina ni Jonas, si AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. na nagtatakip sa mga tauhan nitong dawit sa pagdukot umano kay Jonas.

Mariin namang itinatanggi ng AFP ang nasabing akusasyon dahil kung tutuusin ay nagsagawa ng pag-iimbestiga ang organisasyon sa maaaring kinalaman ng kanilang ng mga tauhan sa insidente.

«General Esperon is not covering up anything. As a matter of fact even during the start of this issue, the AFP came out with a statement saying that anybody who will be implicated or who will be, whose names will come out as a result of the investigation being conducted by the Philippine National Police will be made available so we are not covering up anything,» dagdag ni Bacarro.

Hindi rin nakatitiyak si Bacarro kung may mapapala ang pamilya Burgos sa Provost Marshal report gayung natutuon lamang sa nawawalang plaka ang pag-uungkat nito. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)

Jun 26 2007

OPINION

WENDY NG PINOY BIG BROTHER, NASALBA NA NAMAN! Ni Broohang Jokla

MANILA (Mindanao Examiner / 26 Jun) – Lalong nadismaya ang mga nag-abang ngayon sa eviction night sa loob ng Pinoy Big Brother house matapos na, sa panagalawang pagkakataon, ay nasalbang muli si Wendy.Halos gigil na gigil ang mga tao sa galit ng bangitin ni Tony Gonzaga, ang host ng PBB show, ang pangalan ni Wendy. Maririnig ang mga sigawan at boo at ang mga iba naman ay may mga dalang kamatis na ibabato sana kay Wendy sa kanyang paglabas, ayon pa sa isang fan naman ni Gee-Ann.“Maldita at sakim” naman ang bansag ng mga galit kay Wendy dahil sa masamang ugali nito sa loob ng bahay ni Kuya.Inaway kasi ni Wendy sina Gee-Ann at Beatriz dahil sa gahamang hangarin na manalo sa PBB at makuha ang malaking premyo, kabilang na ang isang bagong bahay.Humagulgul naman sa iyak ng husto si Wendy ng marinig kay Tony Gonzaga na ang nobyong si Bruce ang siyang napalabas ng bahay. At feeling naman ni Bruce na siya ang iniitakan ni Wendy, ngunit sa maraming nakapanoob ng PBB ay iisa ang nasa isipan – ang pagiyak ni Wendy ay sa kadahilanang hindi nito akalain na masasalba pa sa pangalawang pagkakataon.Sumobra naman ang pagka-over acting ni Bruce dahil hindi pa man nababangit ni Tony Gonzaga kugn sino ang lalalabas ay nauna na itong umiyak kay Wendy.

Maging ang talent manager na si Alfie Lorenzo, sa kanyang naunang kolum sa Abante, ay pulos negatibo ang isinulat ukol kay Wendy at patunay lamang ito na maraming galit sa patpatin.

Ang forecast ng marami ay posibleng sina Mickey at Beatriz ang isa sa mananalo sa big night. (Showbiz Chizmis ng Broohang Jokla)

Jun 25 2007

AFP, Bulag Pa Rin Sa 3 Heneral Na Whistle-Blower!

MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jun) – Bulag pa rin ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sinasabing heneral na handang tumulong at magbigay ng mga ebidensya kay Senator-elect Antonio Trillanes IV upang idiin ang militar sa umano’y pagkakasangkot ng kapwa heneral sa extrajudicial killings ng mga militante at aktibista sa bansa.Pilit naman pinalulutang ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro ang tatlong heneral na handing lumabas at tumestigo upang mabigyan umano ng kredibilidad ang kanilang mga alegasyon.Ngunit malaki ang hinalang oras na lumutang ang tatlong heneral ay siguradong babalikan sila ng AFP at posibleng masibak pa sa puwesto upang pagtakpan ang pagkakasanggkot ng ibang heneral sa extra-judicial killings.Sinabi ni Bacarro na patuloy ang kanilang pagbeberipika kung sinu-sino ang mga nasabing heneral at seryosong inuungkat ang mga akusasyon bagamat pinaninindigang hindi polisiya ng AFP ang makisangkot sa political killings.Aminado si Bacarro na nahihirapan ang AFP na paghahanap sa mga naturang heneral na posibleng pinalulutang lamang din ng nais manira sa organisasyon.»It can be rumors that could have been manufactured by some interest groups with the intent of destroying the Armed Forces. Though, we are not ignoring it, it is also a concern of the AFP, that’s why we are conducting the verification,» ani Bacarro.Hindi aniya madali ang beripikasyon dahil posibleng magkamali sa kanilang konklusyon kung kayat kailangan ring maging maingat.Gayunman, may babala si Bacarro na mahaharap sa paglilitis ng military court ang mga naturang heneral kung hindi ito tatalima sa chain of command.

Unang kumanta sa media ang dalawang heneral na nagsabing naroon sila sa isang pulong ng pagusapan ang umano’y planong paglikida sa mga militante at aktibista. Mula ng umupo si Pangulong Gloria Arroyo nuong 2001 ay umabot na sa halos 900 ang bilang ng mga aktibistang napapatay. Marami sa kanila ay dinukot at hindi na matagpuan. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)

Jun 19 2007

Walang Loyalty Check Sa Mga Sundalo: AFP

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 19 Jun) – Wala umaning balak ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng loyalty check sa hanay nito kasunod ng sinasabing pagkatig ng dalawang heneral sa hirit ni Senator Antonio Trillanes IV na ungkatin ang extrajudicial killings ng militar.

Nananatiling kumpyansa ang AFP sa pagtalima ng mga myembro nito sa batas at regulasyon kung kayat malabong makisangkot sa paglikida ng mga militante o aktibista.

Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro, mahigpit ang pagrespeto ng mga sundalo sa karapatang pantao bilang bahagi ng mga isinasagawa nilang pagsasanay.

Hindi rin aniya dapat makalimutan ng publiko na ang komunistang grupo ay kilalang pumapatay ng sariling miyembro lalo na ang mga pinagdududahang espiya ng gobyerno at militar.

Samantala, tinitiyak naman ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr., na nakahanda itong humarap sa anumang pagsisiyasat na nais ipatawag ni Trillanes kaugnay sa political killings.

Gayunman, ipinunto ni Esperon na umiiral ang Executive Order 464 at ang pagharap nito sa congressional inquiry ay nakadepende sa magiging basbas ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Commander-in-Chief.

Hinahamon pa nito ang mga nagdidiin sa militar sa extrajudicial killings, maging ang dalawang heneral na sinasabing nagkumpirma nito, na maglabas ng ebidensya sa akusasyon.

Binigyang-diin pa ni Esperon na walang polisiya sa AFP na tugisin ang mga militanteng organisasyon. (Juley Reyes)

Jun 15 2007

Mga Nagwagi Sa Maguindanao, Sumumpa Na!

COTABATO CITY (Mindanao Examiner / 15 Jun) – Nagkumahog diumano kahapon ang halos lahat ng mayors at kanilang mga bise na agad makapanumpa bilang mga halal sa lalawigan ng Maguindanao sa kabila ng mga akusasyon marumi at talamak ang dayaan doon.Umabot sa 22 mga mayors at kanilang mga bise ang sumumpa kay Regional Trial Court Judge Binsawan Ibrahim sa Maguindanao Provincial Capitol sa bayan ng Shariff Aguak, ang kuta ng mga angkan ng Ampatuan na siyang nanaig sa halos lahat ng bayan.Ito ay sa kabila ng kautusan ng Commission on Elections na magsagawa ng hearing upang alamin sa mga mayors at ibang nagawagi sa May 14 polls ang mga akusasyon ng dayaan.Naglabas rin ng subpoena ang COMELEC sa mga opisyal ng Maguindanao, ngunit ipinaggigiitan ng mga ito na wala silang natatanggap na anuman.Si Maguindanao Gov. Andal Ampatuan ay muling nagwagi at ganoon rin ang kanyang mga anak at kamag-anakan sa buong lalawigan na bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na kung saan ay ang isa pang anak, si Zaldy Ampatuan, ang tumatayong governor.Sa Maguindanao ay kagulat-gulat na 12-0 ang naging panalo ng Team Unity senatorial candidates ni Pangulong Gloria Arroyo.Bukod sa Maguindanao ay talamak rin ang dayaan at marumi ang halalan sa Lanao, Basilan at Sulu, lahat ay kabahagi ng ARMM, na kung saan ay nagwagi rin ng malaking boto ang senatorial line-up ni Arroyo.Kaalyado ni Arroyo ang mga Ampatuan na umano’y nagbigay sa Pangulo ng panalo sa Mindanao. Isang elections officer na si Musa Dimasidsing na lumutang upang ikondena ang dayaan ang pinatay kamakailan at dalawang guro pa na naglakas loob na magsalita rin ang umano’y dinukot ng mga armado.

Itinanggi naman ng mga opisyal ng Maguindanao at kanilang mga supporters ang lahat ng akusasyon ng pandaraya. (Mindanao Examiner)

Jun 14 2007

AFP Info Drive, Ikakasa Na Sa Metro!

MANILA (Mindanao Examiner / 14 Jun) – Pinupuntirya na naman ng militar ang Metro Manila sa kampanya nito kontra komunismo sa mga paaralan at unibersidad.Binigyang-diin ngayon ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na layunin ng naturang “information campaign” na ibukas ang isipan ng mga estudyante sa panlilinlang ng rebeldeng New People’s Army (NPA) upang pasukin at impluwesyahan ang mga paaralan.Ang mga sundalo ang mismong magbibigay ng impormasyon sa mga mag-aaral hinggil sa taktika ng panghihikayat ng NPA sa kolehiyo at unibersidad.Ikinatwiran ni Bacarro na tanggap naman ng mga opisyal ng unibersidad at naturang kampanya at ang mga ituturo ay hindi kahalintulad ng naunang isinagawa sa mga mahihirap na barangay sa Kalakhang Maynila.May naunang impormasyon ang militar hinggil sa plano ng komunistang grupo na ma-infiltrate ang kalakhang Maynila bunsod na rin ng pagkatalo ng huli sa pinaigting na opensiba sa mga lalawigan.Bagamat inaasahan na ang mga pagbatikos ng mga militanteng grupo sa nasabing hakbang ng Armed Forces, naninindigan si Bacarro sa hangarin ng institusyon na mapilayan ng husto ang operasyon ng mga rebelde.

Samantala, nasa proseso pa rin ng pag-aaral ang panukalang maibalik sa Metro region ang tropa ng mga sundalong pansamantalang inalis noong panahon ng eleksyon upang hindi mapagdududahang namumulitika. (Juley Reyes)

Next »

Related Post

Lingerie RompersLingerie Rompers

Mar 26 2007 Participants in the GEM-sponsored computer training. ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 27 Mar) – More than two dozen Filipino public school teachers under the CLIC (Computer Literacy